
Wag sana tayong maging estudyante na ang kaya lang gawin ay magsuot ng shirt na 'UP ako, Ikaw?' dahil baka ibalik nila satin ang tanong na 'Ako ang nagpapaaral sayo, Ikaw?'... At masakit pa sa loob na matapos ang pagyayabang ay 'thank you' lang ang ibabalik natin sa mga taong nagpatak-patak para sa pag-aaral natin.
Bata palang ako, saludo na ko sa UP at sa mga estudyante nito. Natatak sa isip ko na ito angt ahanan ng mga pinakamagagaling na estudyante sa Pilipinas at produkto nito ang maramingp ersonalidad na tinitingala natin sa iba't-ibang larangan.
"UP ako.. Ikaw?" karaniwang nakasulat sa damit ng ilan. Ang yabang ng dating. Bigatin. Walang makakabuwag. Biruin mo, isa ka sa 'iilang' nakapasa sa unibersidad na ito. Sa libu-libong nagnais na makapag-aral, isa ka sa nareserbahan ng upuan. Isa ka sa sasabitan ng name tag na ISKO at ISKA.
Pero sino ka? Ano ka? Paano ka ginawa?
Isa ka sa pinaglaanan ng pawis at hirap ng mga manggagawang Pilipino. Isa ka sa dahilan ngd agdag na singil sa bawat bilhin ng mga tao. Isa ka sa patutunguhan ng income generating projects ng pamahalaan. Para sayo rin ang inuutang sa mga kapit-bahay ng ating inang bayan.
Kumbaga, sa lahat ng tao sa Pilipinas, isa ka sa pinaka paborito. Dahil handang magpatak ang lahat para sa pag-aaral mo. Magaling ka e. Bihira lang ang may ganyang talino at talento. Dapat kang alagaan.
Sa lahat ng swerteng nakukuha natin, nagiging mas malaki ang responsibilidad natin bilange studyante... at isang Pilipino.
Sa unang araw ng pagpasok ko sa UP, baon ko ang masasarap na pangarap ko sa buhay. Magpa-pharmacy ako. Mag-aaral ng mabuti. Magdodoktor ako pagkatapos. Pansamantala akong magdodoktor sa Pilipinas (para kahit papaano, matupad ang promise ko nung bata na "magdodokror ako para nigagamot ko ang may sakit") Pero dahil alam kong mas kikita ako sa ibang bansa, magfa-fly fly ako patungo doon. Yayaman ako at dadating ang panahon na magwawalis nalang ako ng limpak-limpak kong salapi!
Ang saklap diba? Pero totoo. Tanungin natin ang mga bata ngayon kung anong gusto nilang maging paglaki at bakit. Sasabihin ng marami "para makatulong sa mahihirap.. sa may sakit.. sa naaapi..." Pero makita mo, paglaki nila.. karamihan dyan ay ganoon na rin ang mind set. Katulad ng mind set ko sa unang araw ng pagpasok ko sa UP. Ang sakit. Pero wala nang choice kung magandang buhay ang hanap mo e. Lalo na kung ganitong klase paring lipunan ang datnan nila paglaki. Reality bites.
Salamat na rin sa UP at nakita ko ang tunay na mundo. Nakita ko ang iba't-ibang kwento ng buhay. Nalaman kong kung ako, hihingi nalang ng baon sa nanay ko para makapasok, may ibang walang tulog sa kakatrabaho magkaroon lang ng pamasahe. Kung ako, magsasabi lang sa tatay ko na kailangan ko ng pang-enroll, may ibang isasangla pa ang natitirang sakahan makapag-aral lang. Kung ako pag-uwi ng bahay, kakain nalang at pagpapahinga, may ibang hindi pa makakain dahil wala pa ang hinihintay sa allowance galing probinsya. Kung ako, kongkreto ang gustong marating sa buhay, may ibang hindi na alam kung makakapag-aral pa ba next sem o hindi na. Kung ako, subsob sa pag-aaral, may ibang hindi lang pag-aaral ang iniintindi kundi gumagawa rin ng paraan upang maranasan din ng 'iba' ang nararanasan 'ko'.
Halo-halo ang estudyante sa UP. May kung pumasok e parang nakapangtulog lang, may parang pupunta ng debut araw-araw. May naka-wheels, at may tamang lakad lang. May tambay sa Starbucks at merong fishballs lang, ok na. May konyo, may mahirap, may geek, at may tibak. Ikaw ang bahalang humanap ng puwang mo sa unibersidad. Dahil wala namang magdidikta at makikialam sa kung anong gusto mong gawin sa sarili mo.
Ngunit isa sa mga responsibilidad ng Iskolar ng Bayan ang alamin ang mga nangyayari sa lipunan dahil direkta itong nakakaapekto sa atin. Doon na papasok ang isyu ng aktibismo.
Kung sa depinisyon lang ng 'aktibista' ay mahihirapan na tayong alamin ang kongkretong ibig sabihin nito. Kahit nga sa klase, inabot kami ng ilang meetings upang pag-usapan iyon. Siguro depende na iyon sa pananaw mo bilang estudyante at pananaw mo sa pagiging isang aktibista.
Nais ko lang ibahagi ang isang awit na tungkol sa kung ano ba dapat ang tibak
May Tibak at May Tibak
Tagpuan ng mga kabataang aktibista.
EDWARD
Alam ba natin kung ano ang tingin
Ano ang tingin nila sa atin
BOBBY
Bakit pa ba natin papansinin
Kung ano ang tingin nila sa atin
EDWARD
Para sa akin, mahalaga rin
Mahalaga ring ating alamin
Kung ano ang tingin, ano ang tingin
Ano ang tingin nila sa atin
CHINO
Ano?!
MR. TIM (as Press)
Anong klaseng demo yun, wala man lang nabugbog
Ang mga tibak ngayon walang lakas ng loob
JOJO
Hmp! Ni wala man lang naghagis ng mga molotov
Walang mailalathala, walang mapapanood
LEAN
Di tayo mga gunggong na hanap lang ay away
Sa halip ng gulong ay magsunog ng kilay
Dahil di ang mga bagay ang dapat na basagin
Kundi isip at malay na naaalipin
ACTIVISTS
May tibak at may tibak
CHINO
May nagtitibak-tibakan
ACTIVISTS
May tibak at may tibak
CHINO
Depende sa tibak
ACTIVISTS
May tibak at may tibak
CHINO
Ang gusto kong tibak
LEAN
Alam sukatin ang layo ng mga bituin
At ang pagkakaiba ng isda at ng pating
Alam suriin, pulitikal na sitwasyon
Ang diperensya ng vodka, whisky at siok tong
MR. TIM (as UP exec)
Kilusan ng kabataan ay hindi tumatagal
Yan ay pansamantala habang nag-aaral
Ni wala kayong masabing pundasyong teoretikal
Nakikisakay lang sa labanang pulitikal
LEAN
Ang inaning tagumpay pinaghirapan ng husto
Ang talino at gabay ay interes ng tao
EDWARD
Huwag nyo sa amin isisi ang di nyo natamo
Kung kayo’y walang silbi nuong kabataan ninyo
ALL
May tibak at may tibak
BOBBY
May nagtitibak-tibakan
ALL
May tibak at may tibak
BOBBY
Depende sa tibak
ALL
May tibak at may tibak
BOBBY
Ang gusto kong tibak
LEAN
Nakakaunawa ng E=mc
EDWARD
Nakakasira pero marunong mag repair
Nag-aalaga ng bata, baboy at manok
BOBBY
At pag may miting, hindi laging inaantok
MR. TIM (as priest)
Sa aking pananaliksik ay aking natuklasanr
Mga kahindikhindik na katotohanan
Ang Marxismo-Leninismo idolohiyang hungkag
Sosyalismo, Komunismo, sa Diyos ay labag
EDWARD
Ang kanyang mga sinabing pagkahabahaba
Huwag niya nang pahahabain at lalong halata
NOLI
Si Padreng dalubhasa patawarin nyo Ama
At di nya nabasa ang kanyang pinupuna
REPEAT CHORUS
Ang gusto kong tibak..
LEAN
Marunong magbasa ng Marx, Mabini
BOBBY
Mao Tse Tung
LIDY
Marunong maglaba, magsaing nang walang tutong
EDWARD
Kunwari cool na cool pag kaharap ang military
CHINO
Nakaka scrabble kahit walang dictionary
Ad lib
Kukuha ng gitara si Lean at tutugtugin habang kumakanta
na medyo sintunado ang boses.
LEAN
Mahilig kumanta at mahilig maggitara
At nakakahalata pag naririndi sila
Titignan ng masama si Lean ng mga kapwa aktibista kaya
mahihiya ng konti at ibababa ang gitara sa tabi.
LEAN
Ngunit higit sa lahat walang pinagtatakpan
Marunong humarap sa sariling pagkukulang
REPEAT CHORUS
Maraming tanong ang lumalabas. Rally lang ba ang solusyon? Dapat ba o hindi dapat tutulan ang TOFI? May maidudulot ba ang pag-aaral lang?
Pero syempre... nais ko ring ilahad ang mga paniniwala ko.
Umpisahan natin sa pagiging state-subsidized ng UP. Ayon sa UNESCO Delors Benchmark, ang isang papaunlad na bansa ay dapat na maglaan ng 6% ng GNP para sa edukasyon. Ang ganitong alokasyon, ayon sa mahigit isandaang bansa, ay nararapat lamang upang matustusan ang maayos na edukasyon. Ngunit sa kaso ng Pilipinas, hindi ganito ang sitwasyon. Ayon sa FDC at YAD, ang nagagastos sa edukasyon sa Pilipinas ay hindi na tataas ng 4% ng GNP. Noong 1998 sa ilalim ng rehimeng Estrada, 3.8% lamang ang nailaan at noong 2007 sa ilalim ng rehimeng Arroyo ay sumadsad sa 2.26%.
"Education spending in our country as percentage of the GNP hovered no more than 3.8 percent. This wouldn't be much of a dilemma if the trend of our government's spending on education is nearing towards the fulfillment of the standard like that of other developing countries. But sad to say, the trend is anything but positive." -James Miraflor, FDC public finance campaigner.
Bakit nga ba ganito lang ang nailalaang budget para sa edukasyon sa Pilipinas? Dahil sa patuloy na pag-utang ng bansa, patuloy ang pagtaas ng tubo, patuloy ang pagtaas ng dapat nating bayaran. Naaapektuhan ang budget ng Pilipinas. Nababawasan ang nakalaang budget para sa social services. Ngunit bakit ba tayo umuutang? Para sa mga gastusin at proyekto ng pamahalaan na hindi raw kayang suportahan ng pera ng bansa. Ngunit dapat diba mas lumalago ang ekonomiya at kumikita tayo sa mga proyektong ito? Dahil kung hindi, bat pa tayo uutang? Bat pa gagawin ang mga proyektong hindi naman makatutulong sa pag-unlad? Saan ba talaga napupunta ang perang inuutang? Sa mga nasabing proyekto at gastusin ba? Sa mga balang kikitil rin sa kapwa natin Pilipino na tinatawag nilang "bandido" at "terorista"? O sa bulsa ng iilan?
Oo nga't may inflation rate kaya't dapat itaas ang matrikula. Ngunit pano na ang usapin ng state subsidy? Hahayaan nalang ba nating bitawan tayo ng gobyerno sa responsibilidad nila sa atin? Oo nga't may STFAP ngunit paano naman ang mga estudyanteng pinagbabayad ng di-tama sa uri ng pamumuhay nila?
Karapatan ng bawat mag-aaral ng UP na tumanggap ng subsidyo mula sa estado anupaman ang kanyang katayuang panlipunan. -Mula sa talumpati ni Prof. Roland G. Simbulan sa "Forum on the Commercialization of U.P."
Nakalulungkot isipin na baka sa ilang taon, iisa nalamang ang uri ng tao sa UP. Ang mga uring kayang magbayad sa UP NAMING MAHAL. Talagang pagkamahal-mahal.
Nursing.. call centers.. ilan ito sa mga nag-boom ngayong panahon. Marami na ring paaralan ang nago-offer ng mga two-year course para rito. Kung ikaw ay isang mahirap na estudyante, ano ang pipiliin mo? Ang P20,000 na bayad sa Creatice writing/Art Studies/atbp. na hindi ka siguradong may trabahong makasusuporta sayo? O sa ganito na kahit high school graduate ka lang, ok na? Sa praktikal diba? Nagiging komersyalisado ang edukasyon. Nauubos ang mga estudyanteng nage-enroll sa mga kursong di kikita. Naisasantabi ang pangangailangan ng bansang pagyamanin ang literatura, musika.. kultura. Bumababa ang kalidad ng edukasyon. Sa susunod, hindi lang Accenture ang manghihikayat sa mga UP students na mag-call center gamit ang 'free ride' kundi lahat na rin ng call centers na itinatayo ngayon sa Philcoa (na ang lupa'y pinauupahan ng UP para matustusan nito ang mga pangangailangan ng unibersidad). Kung wala kayong pambayad ng tuition, magtrabaho! Maraming call centers ang naghihintay sa inyo! Baka nga ako... matapos ang ilang sem... makita nyo na rin don. Marami tayong magkikita-kita doon.
Nagiging helpless ang mga estudyante. Unti-unting pinapasan ang bayarin na dapat magmumula sa mga 'ipinatak' ng mga Pilipino. Teka.. san nga ba talaga napupunta ang nilaan nila satin?
Ang rally... isa ito sa mga pamamaraan upang ipakitang nahihirapan na ang mga estudyante. Natural ang magulo... may nasasaktan... maingay. Dahil iyon ang nais nitong iparamdam. Na ginagawa ng mga tao ang mga bagay na labag sa kanilang kalooban upang mabago ang sistema. Hindi ba't mas masarap magpahinga, tumambay sa oval, maglakad-lakad sa mall, tapusin ang home work, mag surf-to-sawa, kaysa mag-cut ng klase, magpapalo sa mga pulis, magpabomba ng tubig at sumigaw sa ilalim ng mainit na araw? Wala naman diba? Kung tayo ay estudyanteng nakararaos sa araw-araw, madaling sabihing mag-aral nalang tayong mabuti. Ngunit para sa ibang ramdam na ramdam ang hirap, hindi pinakikinggan ang hinaing, isa ang rally sa nakikita nilang paraan.
Kung hindi ba naglakad ang Sumilao Farmers mula Mindanao hanggang Metro Manila ay maibibigay ba sa kanila ang sakahang idinadaing nila ng mahigit sampung taon? Bat ngayon lang sila pinakinggan ng pamahalaan? Hindi bat dahil sa desperadong aksyong ito?
Ang rally ay hindi lang puro sigaw. Kung susubukan nating sumama dito, makikita nating karamihan ay bumubuo ng mga grupo upang pag-aralan ang mga isyu ng lipunan. Mayroon ding sharing kung saan inaalam ng bawat isa ang hinaing, problema, at maaaring solusyon. Mayron ding mga cultural presentation mula sa iba't ibang sektor ng lipunan. Mas magandang tignan ang rally hindi lang sa ingay at gulong dulot nito kundi pati na rin sa pilit nitong idinadaing.
"Rally nang rally.. eh kung mag-aral nalang kayong mabuti edi sana nakatulong pa kayo sa Pilipinas?" isa ito sa karaniwang naririnig ko. Ngunit kung iisipin... maraming gustong mag-aral. Mag-aral ng mabuti. Maraming gustong maging doktor. Abugado. Propesyonal. Ngunit nasaan sila? Tumutulong sa magulang sa pagtatrabaho. Nangangalahig ng basura para may maipangkain. Ang mga taong nasa baba ay wala nang pag-asang tumaas pa. Ang magulang na basurero ay magkakaanak ng basurero at magkaka apo na pawang mga basurero rin. Ang mga negosyante ay patuloy na kikita, magkakaroon ng pinagpalang anak at magkaka-apo na pawang mga may-ari ng malalaking lupain. Napakaraming masisipag. Napakaraming matalino. Napakaraming gustong hablutin ang pribilehiyong mag-aral. Ngunit IILAN lang ang may kakayahang makamit ito. 75% ng mga Pilipino ay magsasaka. Ang natira ay peti burges (mga estudyante) at ang 2-1% nito ay burges(panginoong may lupa, mayayaman, naghaharing uri). Madaling sabihing mag-aral nalang tayong mabuti at gumawa ng charity works. Ngunit mas mahirap iahon ang 75% na lugmok at naaapi. Hindi nila kailangan ng ating pinaglumaang damit at iniabot na tirang pagkain. Hindi nila kailangan ang ating dasal. Mas lalong hindi nila kailangan ang ating awa. Ang kailangan nila ay tulong na mabago ang lipunan at maipagtanggol ang karapatan nilang mabuhay katulad natin.. Sana nga makapagsasabi rin sila ng "MAG-ARAL NALANG TAYONG MABUTI" dahil hindi natin alam kung meron sila kahit konsepto man ng "papel, lapis, pambura" dahil marami sa kanila ang hindi pa nakakahawak non.
Ating isipin... hindi lang tayo ang tinatawag na ISKOLAR NG BAYAN. Lahat ng mag-aaral na sinasabsidyuhan ng tax ng mga mamamayan ay mga Isko't Iska rin. Ang nararamdaman natin sa UP ay hindi lang sa UP nangyayari kundi sa lahat. Hindi lang UP ang nabawasan ng budget.. pati ang mga paaralan hanggang sa pinakasulok ng bansa... apektado. Wag sana tayong maging estudyante na ang kaya lang gawin ay magsuot ng shirt na 'UP ako, Ikaw?' dahil baka ibalik nila satin ang tanong na 'Ako ang nagpapaaral sayo, Ikaw?'... At masakit pa sa loob na matapos ang pagyayabang ay 'thank you' lang ang ibabalik natin sa mga taong nagpatak-patak para sa pag-aaral natin.
Kaya't kung ako ang tatanungin ng "Iska, paano ka ginawa?"
Taas noo kong sasabihing "naging Iska ako sa tulong ng lahat ng Pilipinong naghihirap para sa pag-aaral ko. At handa akong ipaglaban ang paghihirap nilang iyon para sa akin."
P.S. Pinanganak pala ako hindi upang maging isang doktor.... kundi upang maging isang alagad ng sining.
No comments:
Post a Comment