Minsan may mga pagkakataong parang ayoko nang tumanggap ng salitang “Salamat”.
Salamat dahil tinulungan mo ako ditto..
Salamat dahil ginawa mo yan..
Salamat dahil nagpunta ka doon…
Salamat dahil ganyan…
Parang gusto ko nalang na matapos kong gawin ang isang pabor ay umalis nalamang ako at parang walang nangyari. Na sana’y hindi na nya itinatak sa utak nya na may ginawa akong isang malaking bagay para sa kanya.
Bakit?
Dahil minsan ang pasasalamat ay may kaakibat na “kapangyarihan”. Kapangyarihang igagawad sayo sinuman ang nagsabi nito. Kung nagawa mo ang isang bagay, nagkakaroon ka ng kapangyarihang gawin ito ng paulit-ulit. At INAASAHAN kang magawa iyon. Kung nagawa mong lumipad para tumulong ay nakatatak na sa kanyang isipan na may kakayahan ka pang lumipad anumang oras. Kung nagawa mong lumangoy sa karagatan upang magawa ang isang bagay para sa isang tao, ay nakatatak na sa kanyang isipan na mayroon ka pang kapangyarihang lumangoy sa lahat ng dagat anumang oras. SALAMAT.. Ayoko nang tanggapin pa. Ayoko ng kapangyarihan.
At kung dumating man ang isa pang pagkakataon na hingin ulit sayo ang pabor na yon at hindi mo magawa, nagmimistula itong isang malaking kasalanan. Malaking kamangmangan. Malaking kagaguhan.. Iisipin nilang madamot ka. Iisipin nilang ipinagkakait mo ang kapangyarihan mo. Iisipin nilang nagbago ka na.
Iyon ang nagagawa ng kapangyarihan. Iyon ang nagagawa ng “Salamat”.
Minsan may mga pagkakataong ayoko nang tanggapin ang salitang “Salamat”. Matapos kong gawin ang isang bagay, gusto kong umalis nalamang na hindi natatak sa kanyang utak na may ginawa ako para sa kanya. Dahil sa huli, ayoko na ng may INAASAHAN sya sakin. Dahil hindi sa lahat ng pagkakataon, may kapangyarihan akong kayang ilabas.
No comments:
Post a Comment